-- Advertisements --

Himalang nailigtas nang buhay ang isang 43-anyos na security guard matapos ma-trap ng walong araw sa ilalim ng gumuhong gusali sanhi ng magkasunod na lindol na tumama sa Venezuela.

Kinilala ang survivor na si Hernán Alberto Gil Flores, na nagtatrabaho bilang night watch guard sa isang pitong palapag na shopping center.

Nanatili siyang ligtas sa loob ng kanyang security booth sa basement ng gusali. Naging matibay ang cabin nito na lumikha ng isang “air pocket” o espasyo na may hangin sa gitna ng gumuhong estruktura.

Nangyari ang insidente sa lungsod ng Catia La Mar sa estado ng La Guaira, na isa sa mga rehiyong pinakamatinding napinsala ng lindol.

Higit sa 100 oras ang ginugol ng mga bumbero at rescue workers upang tuluyang mahukay at mailabas si Gil mula sa ilalim ng humigit-kumulang 140 toneladang gumuhong semento.

Matatandaang noong Hunyo 24, 2026, niyanig ang hilagang baybayin ng bansa ng magkasunod at malalakas na lindol na may lakas na magnitude 7.2 at 7.5.

Nitong gabi ng Huwebes, umabot na sa 2,595 katao ang kumpirmadong nasawi at libo-libo pa ang nawawala. Kaya naman ang pagkakahanap kay Gil pagkaraan ng mahabang panahon ay itinuring na isang malaking milagro at simbolo ng pag-asa.