Nagpasaring ang mga kaalyado ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa gitna ng mainit pa ring usapin ng pagpapalit sa liderato ng Kamara at pagpasa ng 2021 national budget.
Inakusahan ni Deputy Speaker L-Ray Villafuerte ang ilang kaalyado ni Velasco na tila abala sa pagsusulong na mailuklok sa upuan ng House Speaker ang kongresista, sa kabila ng special session para sa approval ng pambansang pondo.
“They’re sending text messages. This came from one of the supporters of Velasco, si congresswoman Kristine (Singson) Meehan (Ilocos Sur), if you will look, mayroon silang meeting on Sunday. And then on October 12: Monday morning, House of Representatives leader change.”
Nilinaw ni Villafuerte na walang magaganap na session bukas, araw ng Lunes, dahil ang utos daw ng pangulo ay “special session” na magsisimula sa Martes, October 13.
Itinuro rin ng kongresista ang umano’y mensahe ni 1-PACMAN Rep. Mikee Romero na nagsusulong na maihalal nang speaker of the House si Velasco. Ginamit pa raw nito ang pangalan ng pamilya Duterte na nag-endorso sa mambabatas.
“Kami lahat focused sa budget, sila focused sa leadership change. This will result to a problem, delay in the budget.”
Pinayuhan ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor ang tropa ni Velasco na gamitin sa pagpasa ng budget ang kung ano mang bala mayroon sila bilang malapit ang kongresista sa anak ng presidente na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
“Whatever, kung ano man yung clout, yung impluwensya na mayroon sila, gamitin nila ngayon para sa budget kasi yan ang importante naming gagawin. Mas maganda pa nga siguro sa kanya (Velasco), mapapaganda ang kanyang disposisyon kung ang liderato niya ay gagamitin sa budget.”
Nilinaw ni Deputy Speaker Butch Pichay na hindi nila minamaliit ang kakayahan ni Velasco na mamuno bilang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa ngayon, ang nais lang talaga nila ay matugunan ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na maipasa ang panukalang pambansang pondo.
“If there is a vacancy as far as speakership is concerned, then there are other candidates. No one can prevent someone from nominating somebody to run for speaker if there’s a vacancy.”
Hirit ni Villafuerte, dapat may malinaw na plano ang isang uupo na House Speaker at hindi lang basta naka-depende sa impluwensya.
“Whoever wants to be a speaker should layout to their peers (kung) anong plano mo. With all due respect, you cannot just say ‘I will be speaker because we formed an agreement.'”
Magugunitang sinibak sa committee chairmanship kamakailan ang ilang kilalang sumusuporta kay Velasco tulad nina Quezon Rep. Angelina Tan (Health), AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin (Economic Affairs) at Valenzuela Rep. Eric Martinez (Youth and Sports Development).