-- Advertisements --

Nais palawigin nina House Committee on Appropriations chairman Eric Yap at Senate Finance Committee chairman Sonny Angara ang pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act at 2020 General Appropriations Act ng hanggang sa susunod na taon.

Ayon kay Yap, tinitingnan ngayon ng mababang kapulungan ng Kongreso na palawigin ng hanggang Marso 2021 ang validity ng Bayanihan 2, pero ayon naman kay Angara maaring i-extend ito ng hanggang Hunyo sa susunod na taon.

Pagdating naman sa 2020 GAA, sinabi ni Angara na maaring palawigin ang validity nito ng hanggang Hunyo o Disyembre 2021.

Kung sakali man, wala naman aniyang problema sa proposed extension ng 2020 GAA sapagkat mayroon na rin naman aniya itong precedence dahil ginawa na rin ito ng Kongreso noong 2018 at 2019.

Mababatid na nakatakdang mapaso ang Bayanihan 2 sa Disyembre 19 habang ang 2020 budget naman ay valid lamang hanggang Disyembre 31.

Kaya naman kailangan na magpasa ang Kongreso ng dalawang hiwalay na panukalang batas para rito, ayon kay Yap.

Dahil ang mga ito ay kapwa appropriations-related, sinabi ng kongresista na dapat magmula sa mababang kapulungan ang panukalang batas na magpapalawig sa mga ito.