-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee on Public Accounts vice chairman Angelica Natasha Co na tataas ang kumpiyansa ng publiko sa pagpapabakuna kapag mayroong batas na magtitiyak sa kanila ng karampatang tulong sakaling makaranas ng mga adverse effects matapos mabakunahan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Co na sa ngayon pending pa sa House Committee on Health ang inihain niyang House Bill No. 07480, na naglalayong magtatag ng government vaccine indemnification program.

Ayon kay Co, kapag maisabatas ang panukalang ito ay magkakaroon ng fall back ang mga mamamayan.

Papalakasin din nito ang mga umiiral na panuntunan para naman sa mga vaccine manufacturers upang matiyak na ang mga ilalabas nilang bakuna ay nasa pinakamataas na standards.

Sa ilalim ng kanyang panukala, sisingilin ng isang porisyento ng halaga ng kanilang kontrata sa pamahalaan ang mga pharmaceutical companies na pagkukuhanan nang supply ng mga bakuna.

Idedeposito ang perang makukuha sa mga ito sa Bureau of Treasury ng Department of Budget and Management, at gagamitin lamang bilang compensation para sa mga indibidwal na nakaranas ng adverse effects matapos magpabakuna.

Nakasaad sa panukala na ang bubuuing Vaccines Compensation Board ang siyang hahawak sa indemnification fund, kung saan ang kalihim ng Department of Justice ang siyang tatayong Chairperson habang ang Health Secretary namana ng Vice Chairperson.

Miyembro ng board ang kalihim ng Department of Budget and Management at Department of Finance; sectoral representative mula sa healthcare industry, patient advocacy group at medical societies.

Kapag maging ganap na batas ang inisyal na pondong ilalaan para sa vaccine indemnification program ay manggagaling sa alokasyon ng Department of Health sa ilalim ng General Appropriations Act.