-- Advertisements --

Tiniyak ng isang vaccine expert na protektado ng safety guidelines ang mga indibidwal na sasali sa clinical trial ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination, may mga nakatalagang principal investigators para magmonitor sa volunteer patients na sumali sa trial.

“Lahat ng nangyayari sa pasyente ay mino-monitor from the time na binigyan sila ng bakuna for one years, two years, three years, pwede pang five years, talagang binabantayan sila. And meron talagang namamatay.”

“Usually eksperto at specialista ang principal investigator. Dini-determine nila anong dahilan nang pagkamatay at kung yan ay related sa bakuna ay itatala nila.”

Dagdag ng eksperto, may “liability cloth” na nagsisilbing proteksyon sa karapatan ng volunteer patients sakaling may hindi magandang naging epekto ang bakuna.

“Lahat ng clinical trial natin, kung may nakitang hindi magandang epekto na ma-determine na galing sa bakuna, yan ay sinasagot ng isang klase… it’s like an insurance or liability.”

Manggagaling daw sa kompanya o manufacturer ng bakuna ang pananagutan kung hindi ito magiging epektibo sa ginamitang tao.

Sa isang press conference sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na limitado sa ilang kwalipikasyon ang mga pwedeng sumali sa COVID-19 vaccine trials.

Ayon kay Dr. Jaime Montoya, executive director ng Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), bahagi ng proseso ng trials ang pagbibigay ng informed consent o paliwanag sa volunteer patients ng kung ano ang posibleng benefit o side effect ng bakuna.

Binigyang diin ni Dr. Bravo na mula nang sumali ang clinical trials ang Pilipinas sa iba’t-ibang bakuna noon ay wala pa namang pasyente ang namatay.

“Wala pa tayong nangyaring ganyan na namatay dahil sa bakuna. Wala kayong makikitang naging kaso na habang nasa clinical trial ay namatay. Mayroong side effect.”

“Lagnat, masakit sa injection site, pero mga minor lang yan,” ani naman ni Dr. Montoya.