-- Advertisements --

Tiniyak ni NTF Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Sec Carlito Galvez na ang lahat ng mga bakuna na ginagamit ngayon ng pamahalaan ay sumailalim sa masusing pagsisiyasat ng Vaccine Expert Panel (VEP) na kinabibilangan ng mga top doctors at vaccine espesyalista sa bansa.

Ito ang reaksiyon ni Galvez sa mga rekomendasyon na gumamit na ang bansa ng COVID-19 vaccine na may mataas na efficacy.

Sinabi ni Galvez, sila ay nakikinig at sumusunod sa assessment ng panel kung anong bakuna ang bibilhin na safe and effective kahit anong brand.

Lahat ng mga bakuna na dumating sa bansa ay binigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration.

Batay sa initial real world data na ibinigay ng VEP, “ang Sinovac ay 90% effective in preventing intensive care admissions and deaths sa bansang Uruguay, 94% effective in protecting health care workers sa bansang Indonesia.”

Ayon kay Galvez na patunay lamang ito na ang Sinovac ay epektibo at hindi malayo sa mga Western-made vaccine brands.

Sa ngayon nasa 28 bansa na sa buong mundo ang gumagamit ng China-made vaccine.

Binigyang-diin ni Galvez na batay sa pahayag ng VEP masyadong maaga pa para mag-conclude sa efficacy ng Sinovac vaccine laban sa Delta variant.

Siniguro naman ng kalihim na lahat ng polisiya na kanilang binuo at ipinatutupad ay science-based and evidence-based.

Kanilang ikokonsidera ang magiging advice ng mga eksperto at hindi sa kung sinu-sinong tao lamang.

Samantala, binigyang-diin ng task force sa mga lokal na opisyal ng Cebu ang kahalagahan ng ugnayan at koordinasyon ng national govt at provincial government ng Cebu para protektahan ang probinsiya laban sa COVID-19 na isa sa tinaguriang major gateway sa Visayas at Luzon.

Paalala ni naman ni IAF co-chair at Cabinet Secretary Karlo Nograles na dapat istriktong i-monitor kung paano mag-mutate at kumalat ang Delta variant.