MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ipapaalam pa rin naman sa publiko ang brand ng COVID-19 vaccine na ituturok sa kanila.
Kasunod ito ng panukalang pagpapatigil sa local government units na ianunsyo ang available na brand ng bakuna sa COVID-19 vaccination sites.
Ayon kay Dr. Gloria Balboa, regional director ng DOH-NCR, ang panukala ay tugon lang ng kagawaran matapos dagsain ng publiko ang vaccination sites dahil sa isang brand ng bakuna.
“Shempre bago ibakuna sa inyo, sasabihin kung ano ang ibibigay,” ani Balboa sa panayam ng DZBB.
“Kapag nag-announce o nag-schedule (ng bakuna), hindi sasabihin na dito sa vaccination center na ito kung ano ang ibibigay o brand ang mga andoon.”
Iniiwasan din daw ng ahensya na dumugin ang mga bakunahan, lalo na ng mga hindi pa naman naka-schedule na tumanggap ng vaccine.
“Napansin natin na may vaccine preference ang ating mga kababayan. Noong may isang particular na vaccination center ay (nag-rollout) ng Pfizer, dinumog doon,”
“Yung mga naka-schedule doon ay yung ang pupunta that day, kasi may maximum na pwedeng bakunahan per vaccination center.”
Iginiit ng opisyal na hindi naman kailangang mamili ng espisipikong vaccine brand, dahil lahat ng bakuna na ginagamit ngayon sa COVID-19 vaccination ay dumaan sa pag-aaral at pagsusuri ng mga eskperto.
Binigyang diin ng opisyal na pare-parehong ligtas at epektibong panlaban sa malalang antas ng COVID infection ang mga bakuna, gayundin na lahat ng vaccines ay may adverse effect.
“Kung ano ang available, yung ang best na bakuna para sa iyo kaysa wala o naghihintay ka sa brand na gusto mo. Baka sa kakahintay mo tamaan ka na (ng coronavirus).”
Ayon naman kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sakaling tanggihan ng indibidwal ang bakuna ay mapupunta ito sa pinakahuling parte ng priority list ng vaccination.
Ibig sabihin, mababakunahan lang ito kapag natapos nang mabakunahan ang lahat ng nagpa-rehistro sa vaccination.
“If they go there and they see that the vaccine is not for them, then mawawala sila sa masterlist at mapupunta doon sa bottom ng line,” ani Vergeire sa panayam ng Radyo 5.
Nilinaw din ng opisyal na hindi taktita ng gobyerno ang panukala para maubos ang supply ng Sinovac vaccines, dahil matagal pa naman ang expiration date nito.
Hindi tulad ng AstraZeneca vaccines, na napipinto nang mag-expire sa katapusan ng susunod na buwan at katapusan ng Hulyo.
“Lahat naman ng bakuna na pino-produce ngayon ay hindi mahaba ang expiry date dahil under development pa sila.”