-- Advertisements --

Malaki ang posibilidad na makakabangon ang ekonomiya ng bansa sa oras na matugunan ng pamahalaan ang problema sa presyo ng pagkain at masimulan na rin ang paggulong ng COVID-19 vaccination program ngayong taon, ayon sa beteranong ekonomista na si House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda.

Sa pulong ng technical working group ng House economic affairs committee, na tumatalakay sa P420-billion Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3), sinabi ni Salceda na kailangan balansehin ang pagtugon sa supply-side at demand-side para gumulong ang ekonomiya ng bansa.

Pinatitiyak ni Salceda na sa ilalim ng Bayanihan 3 ay magkaroon ng grants sa agriculture at fisheries sector, partikular na sa meat sector.

Malaki aniya kinakaharap na problema ngayon ng mga hog raisers dahil sa epekto ng African Swine Flu, na siyang nakaapekto naman sa pagbaba ng supply sa mga pamilihan sa gitna ng mataas demand.

Mahalaga rin aniyang matiyak ang pagkakaroon ng pondo sa logistics at grants sa mga local government units para sa kanilang vaccination capability.

Sinabi ni Salceda na kalahati lamang ng problema sa buong vaccination chain ang pabili ng mga bakuna kontra COVID-19.

Kailangan aniya na magkaroon ng P70 billion pa na karagdagang standby funds para sa actual rollout ng mga bakuna, bukod pa sa inilaan na P75 billion para sa vaccine procurement.