-- Advertisements --

MANILA – Hinikayat na rin ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang Food and Drugs Administration (FDA) na aprubahan na ang anti-parasitic drug na Ivermectin para sa emergency use.

Sinabi ng grupo na ang naturang gamot ay “ligtas, epektibo at affordable medicine sa laban kontra” novel coronavirus disease (COVID-19).

Pero magugunita na makailang ulit nang nagbabala ang mga health authorities sa publiko hinggil sa paggamit ng Ivermectin sa COVID-19 treatment, sa pagsasabi na walang sapat na ebidensya na makakapagsabi na epektibo itong gamitin laban sa naturang respiratory disease.

Sa isang statement, sinabi ni Cory Quirino, chairman ng VACC, na sa harap ng laban kotra COVID-19, ang Pilipinas ay mayroong “good fighting chance” para manalo rito sa pamamagitan ng Ivermectin.

Hinihimok niya ang FDA na bigyan ng emergency use authorization ang Ivermectin at kilalanin ito bilang over-the-counter medicine.

Dapat ay pabilisin na rin aniya ang approval sa License to Operate at Certificate of Product Registration application ng isang doktor, at applications ng iba pang mga pharmacies.

Pag-aralan ang relevance at ethical presece ng Philippine Society of Microbiologists and Infectious Diseases na inatasan ng FDA at Department of Health bilang certifying body.

Sinabi ng VACC na ayon kay Dr. Benigno Agbayani Jr., presidente ng Concerned Doctors and Citizens of the Philippines, na mayroong mga pag-aaral na isinagawa abroad patungkol sa Ivermectin.

Dapat anila ay maging sapat na ito para i-validate ang claims hinggil sa anila’y “very high safety and efficacy” ng Ivermectin kontra COVID-19 bilang prophylaxis at early treatment.

Saad pa ng grupo, ang Ivermectin ay ginagamit na kontra COVID-19 sa South Africa, Slovakia, Panama, Peru, (Uttar Pradesh) India, (Chiaca) Mexico, Czech Republic at marami pang mga bansa.

Maging ang mga doktor sa Estados Unidos, Australia, Canada ay inirereseta na ang anti-parasitic drug na ito sa kanilang mga COVID-19 patients.

Pero sa isang advisory, sinabi ng FDA na ang tanging nakarehistro sa bansa na Ivermectin products sa kasalukuyan na maaring gamitin ng tao ay mga topical formulations na maaring gamitin para sa paggamot laban sa external parasites.