-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakakulong na ang suspek sa pananaga at pagpatay sa kapwa nitong utility worker sa Provincial Capitol ng South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay South Cotabato Provincial Security Unit head Eleuterio Nodado, kinilala ang suspek na si Ric Villa, utility worker ng Provincial General Services Office.

Ang biktima naman ay isang Ronelo Lumawag na naka-assign sa Accounting Office.

Base sa imbestigasyon, dati pa may alitan ang dalawa at mas lumala pa nang ikalat umano ng biktima na matatanggal sa trabaho ang pamangkin ng suspek.

Sinasabing naging dahilan ito upang mas uminit ang ulo ni Villa sa biktima kung saan maaga umanong pumasok ngayong araw ang suspek at binantayan ang biktima habang naglilinis sa Treasurer’s Office at doon na pinagtataga gamit ang samurai.

Naisugod pa sa South Cotabato Provincial Hospital ang biktima ngunit dead on arrival dahil sa malalang mga sugat na natamo sa leeg at ibat-ibang bahagi ng katawan.

Sa ngayon, nakakulong ang suspek ay nakatakda na rin itong sampahan ng kaso.