
Pinawi ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno ang pangamba ng publiko na nananatiling manageable pa ang kasalukuyang utang ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ng kalihim sa Commission on Appointments panel debate kasabay ng pagsalag nito para sa kaniyang ad-interim appointment.
Aniya, ang debt-to -gross domestic product (GDP) ratio ng bansa ay tumaas dahil na rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag pa ng opisyal na bago mag-pandemiya nasa mas mababa sa 40% ang debt-to GDP ratio ng bansa, tumaas lamang ito sa 62% dahil sa pandemic dahil kinailangan na bumili ng mga bakuna kontra covid-19 at mataas na demand sa health services.
Kung ikukumpara aniya sa ibang bansa ay pumapalo ang kanilang debt to GDP ratio sa 100% o 200% sa maraming European countries.
Ipinunto pa ng Finance chief na may matatag na economic strategy ang gobyerno na magpapalago sa ekonomiya ng 6.5 hanggang 8% sa susunod na anim na taon.
Sa pamamagitan din ng mas mataas na revenue at mas mahigpit na expenditure o paggastos ng pondo ay mapapangasiwaan ng maayos ang utang ng bansa.
Magugunita, sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo ang utang ng bansa ay lumobo sa P12.89 trillion base sa data mula sa Bureau of Treasury.
Tinataya namang papalo ang utang ng bansa sa P14.63 trillion sa katapusan ng taon.










