-- Advertisements --

Pumalo na sa P20 billion ang halaga ng utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga pribadong ospital sa bansa ngayong buwan ng Agosto.

Ayon sa isang panayam, sinabi ni Private Hospitals Association (PHAPI) President Jose Rene de Grano na sinasabi ng Philhealth na nakapagbayad na sila pero ilan sa mga private hospital ang umaalma na hindi pa sila nakatatanggap ng bayad mula sa nasabing ahensya.

Ani De Grano, bukod sa ginagawang pagbabayad ng Philhealth sa claims ng mga private hospital ay dapat din bayaran ng ahensya ang mga claims para sa mga kaso ng COVID-19.

Sa mga susunod na linggo ay maaaring i-anunsyo na ng ilang mga ospital kung ire-renew pa nila o ititigil na ng mga ito ang pagtanggap ng accreditation ng Philhealth sa kanilang tanggapin sa darating na 2022.

Dagdag pa niya ay napipilitan ang ibang mga ospital na mag downsize o pagbabawas sa working hours ng mga empleyado para lamang makapagpatuloy sa kanilang mga operasyon dahilan para umalis patungo sa ibang bansa ang karamihan sa mga nurses sa Pilipinas.

Patuloy naman ang PHAPI sa pagsasagawa ng training para sa mga underboard nurses bilang replacements sa mga registered nurses na nawala.

Matatandaan na noong buwan ng Oktubre ay umabot sa 5% hanggang 10% ang bilang ng mga nurses sa mga pribadong ospital ang umalis sa bansa. (Marlene Padiernos)