Inanunsiyo ng Department of Health ngayong Lunes ang pagreretiro ni Undersecretary Eric Tayag sa Abril 15 matapos ang 35 taong paglilingkod nito bilang opisyal ng kagawaran.
Nagpaabot naman ang Executive Committee at buong staff ng kagawaran ng kanilang paghanga sa hindi matatawarang mga kontribusyon ni Tayag.
Nagpaabot din si Health Secretary Ted Herbosa sa ngalan ng DOH at health sektor ng pasasalamat sa commitment ni Tayag para sa ilang dekadang inilaang serbisyo para sa sektor ng kalusugan sa bansa. Naging saksi din aniya ang kalihim sa well-deserved progression ni Tayag mula ng ito ay maging infectious disease doctor at epidemiologist hanggang sa maging USec, Chief Information Office at tagapagsalita ng DOH.
Kasabay ng pagreretiro ni Tayag, ibinunyag ng DOH na sa Abril 15, nakatakdang humalili sa babakantehing posisyon ni Tayag bilang bagong Chief Information Officer si Undersecretary Emmie Liza Perez-Chiong habang simula sa Abril 15 naman nakatakdang mag-assume bilang head ng DOH Public Health Services Cluster si Assistant Secretary Ariel I. Valencia.
Habang si Officer-in-Charge Assistant Secretary Albert Francis Domingo ang siyang magiging spokesperson ng DOH.