Nakatakdang makipag-usap ang kasalukuyang Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa dating mga kalihim ng ahensiya para talakayin ang usapin sa French Arbitral Court ruling para ibigay ang $14.92 billion ng Sulu Sultanate sa kanilang territorial claim sa Sabah na siang federated state ng Malaysia.
Ito ay matapos na irekomenda ni Senator Francis Tolentino sa DFA Secretary na upuan ang naturang isyu kasama sina dating DFA secretaries Albert del Rosario at Teodoro Locsin Jr.
Ayon pa kay Manalo, nakatakdang mag-reconvene ang cluster committee para pag-aralan ang implikasyon ng isyu.
Dagdag din ng DFA chief na may implikasyon ang legal private award sa sovereign claim ng Pilipinas at ibinunyag na pinag-aaralan na ito ng Office of the Solicitor General (OSG) at nag-aantay na lamang ng DFA ang rekomendasyon.
Sinabi naman ni Senador Tolentino kay Manalo na dapat samantalahin ang pagkakataong ito dahil nasa 750,000 Pilipino ang nasa Sabah ang ikinokonsiderang stateless at tumatawid sa Sabah at tawi-tawi.
Matatandaan na noong nakalipas na buwan ng Pebrero, iginawad ng French Arbitral Court ang multi-bilyong dolyar sa mga tagapagmana ng Sulu Sultanate sa kanilang legal claim sa Sabah.
Una na ring kinalampag ni Senator Robinhood Padilla ang gobyerno ng Pilipinas na tulungan ang mga tagapagmana ng Sulu para makuha ang kanilang multi-billion dollar award mula sa Malaysia.