-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Pinabulaanan ni Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino ang usap-usapang ititigil umano ng Provincial government ang salt production sa bayan ng Bolinao.

Sa panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan, dahil sa loob ng labing siyam na taon ng hindi pag-renew ng kontrata ng farm production ng naturang bayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), inaksyunan na lamang ito ng probinsya upang maipagpatuloy pa rin ang produksyon.

Aniya kinuha ng provincial government ang karapatan ng mga operators para sa supervision at management ng humigit kumulang liman daang ektarya ng lupa at tubigan sa naturang bayan.

Nilinaw naman ng naturang bise gobernador na magkakaroon na lamang sila ng partnership sa mga operators kaya walang dapat ipag-alala ang mga ito.

Natuwa naman aniya ang mga naturang mamamayan nang malaman ang pakikipagtulungan ng provincial government dahil bukod sa hindi matitigil ang kanilang operasyon ay maaari pa itong magbukas ng oportunidad kung saan marami ang maaaring makinabang kabilang na ng pagkakaroon ng trabaho at pagpapatibay ng salt production sa lalawigan ng Pangasinan.