-- Advertisements --

Inanunsyo ng 2028 Los Angeles Olympics (LA28) CEO Reynold Hoover na ”exempted” o hindi sakop ng US travel ban ang mga atleta, opisyal, at kanilang pamilya na sasali sa 2028 Los Angeles Olympics.

Ito’y kasunod ng pag-anunsyo ni U.S. President Donald Trump ng bagong kautusan na nagbabawal sa mga mamamayanan mula sa 12 bansa na makapasok sa Estados Unidos bilang bahagi ng kanyang kampanya kontra sa mga ilegal immigration.

Tiniyak ng pamahalaan na mayroong “carve-out” o espesyal na probisyon sa travel ban para sa mga kalahok sa Olympics. Iginiit ni LA28 CEO Hoover na “wide-open” o bukas sa lahat ang magiging pagdaraos ng palaro.

Maalalang kasama sa mga bansang sakop ng travel ban ay ang Afghanistan, Myanmar, Chad, Congo Republic, Equatorial Guinea, Eritrea, Haiti, Iran, Libya, Somalia, Sudan, at Yemen. May limitadong restriksyon din para sa mga mamamayan ng Burundi, Cuba, Laos, Sierra Leone, Togo, Turkmenistan, at Venezuela.

Nagpahayag naman ng tiwala si LA28 Chairman Casey Wasserman sa suporta ng administrasyon para sa Olympics, at sinabi niyang wala silang nakikitang magiging epekto ng ban para sa mga ticket sales na magsisimula sa susunod na taon.

Bukod sa Olympics, magkatuwang din ang US, Canada, at Mexico sa pagho-host ng FIFA World Cup 2026, kung saan sinabi rin ni Trump na nais niya ng maayos at kaginhawaan para sa mga dayuhang manonood.