-- Advertisements --

WASHINGTON – Ipinasuspinde ng US State Department ang lahat ng diversity and inclusion-related training sa lahat ng kanilang empleyado matapos magbaba ng utos si President Donald Trump sa mga federal agencies.

Batay sa ulat, simula noong October 23 ay ipinatigil ng opisina ang naturang mga programa bilang tugon sa Executive Order on Combating Race and Sex Stereotyping na inilabas ng pangulo.

Sa ilalim kasi nito, ipinagbawal ni Trump sa federal agencies ang pagtuturo ng hindi maganda at patas na konsepto sa mga empleyado, kabilang na ang pagiging racist at sexist umano ng Amerika.

Una nang naglabas ng memorandum ang White House noong Setyembre. Ayon sa Office of Management and Budget, hindi pwedeng gamitin ng mga ahensya ang pera ng publiko para sa mga propaganda na hindi naaayon sa interes ng bansa.

Magugunitang inakusahang racist ni dating Vice President at kasalukuyang presidential candidate Joe Biden si Trump sa nakaraan nilang debate. Pero iginiit ito ng pangulo.

Mayroong tinatayang 76,000 na empleyado ang US State Department sa buong mundo.

Sa ngayon, wala pang reaksyon ang tanggapan sa lumabas na ulat.(Reuters)