Sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na nakikita na ng Washington ang “finish line” sa nagpapatuloy na digmaan sa Iran na umaabot na sa ikalimang linggo. Ayon sa kanya, hindi pa ito agad matatapos ngunit papalapit na umano sa posibleng resolusyon.
Dagdag pa ni Rubio, may mga palitan ng mensahe at patuloy na komunikasyon sa pagitan ng US at Iran, at may posibilidad pa ng direktang pagpupulong sa hinaharap.
Nagsimula ang digmaan noong Pebrero 28 matapos ang magkasanib na pag-atake ng US at Israel sa Iran, na sinundan ng mga ganting strike ng Tehran sa Israel at ilang Gulf states. Nagdulot ito ng libo-libong nasawi, malawakang paglikas, at pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sinabi rin ni Rubio na posibleng muling pag-aralan ng US ang relasyon nito sa NATO matapos ang digmaan, habang nasa desisyon pa rin ito ni President Donald Trump kung kailan maaaring matapos ang operasyon ng Amerika sa Iran. (report by Bombo Jai)















