Nakarating na sa Subic, Zambales ang barko ng Estados Unidos na tinatawag na “The Pacific Valkyrie” para tumulong sa oil spill operations na isinasagawa ngayon sa Oriental Mindoro.
Ito ay mayroon din dalang remotely aoperated vehicle (ROV) na magsasagawa ng survey sa lumubog na MT Princess Empress para alamin kung ano ang pinaka-epektibong paraan sa pag-salvage dito, at gayundin sa natitira pang industrial fuel oil na karga nito.
Bukod dito ay nakatakda rin magpadala ang Estados Unidos ng 11,000 feet ng 26-inch absorbent Harbor boom na gagamitin ng mga otoridad sa pagkontrol ng pagkalat ng langis sa karagatan, para sa mas mabilis na recovery nito mula sa naturang oil spill.
Nagpaabot naman ng lubos naman ang pasasalamat ni National Disaster Risk Reduction Management Council at Department of National Defense Sec. Carlito Galvez Jr. sa tulong na ipinapaabot ng Amerika sa Pilipinas para sa pagresolba ng “environmental emergency” na dulot ng pagtagas ng langis mula sa lumubog na oil tanker.
Kung maaalala, una nang nagpadala ang Estados Unidos ng Personal Protective Equipment (PPEs), kagamitan, sasakyan, at mga eksperto mula sa U.S. Coast Guard, National Oceanic and Atmospheric Administration, maging ang U.S. Navy para tumulong sa oil spill clean-up sa Oriental Mindoro.