LA UNION – Nananatiling nakakulong ang isang foreign national matapos itong ipaaresto ng may-ari ng resort dahil sa hindi nito pagbayad ng kanyang bill sa Barangay Urbiztondo, San Juan, La Union.

Nakilala ang dayuhan na si Jay Morris, 35-anyos na US citizen at residente ng Makati City.

Una rito, humingi ng tulong sa mga otoridad si Teresita Witt, 63-anyos na biyuda at may-ari ng resort, nang bigla na lamang umalis si Morris at hindi nagbayad ng kanyang bill na aabot sa P9,995.

Sa pagresponde naman ng San Juan Police, agad nilang nahuli ang lasing na si Morris.

Napag-alaman na noong May 21 nag-check-in si Morris at uuwi na sana nitong Sabado nang hindi man lang nagbabayad ng kanyang bill.

Sa ngayon, ay nasa kustodiya pa ng San Juan Police ang dayuhan habang inaantay pa ang desisyon ng korte laban sa kanya.