-- Advertisements --

Nag-isyu ng ‘worldwide caution’ ang US State Department sa kanilang mamamayan na nasa ibang mga bansa sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East.

Base sa inisyung security alert ng US State Department, may posibilidad na magkaroon ng mga demonstrasyon laban sa mga mamamayan ng Amerika at interest nito abroad.

Maaari din aniyng malagay sa panganib ang seguridad ng mga bibiyahe o naninirahan sa ibang bansa kung saan nagresulta ang labanan sa pagitan ng Israel at Iran sa pagkaantala ng biyahe at pagsasara ng airspace sa Middle East.

Kayat inaabisuhan ng kagawaran ang mga US citizens sa buong mundo na pairalin ang ibayong pagiingat.

Hindi naman binanggit sa abiso ng US ang pakikialam nito sa nakalipas na pag-atake ng kanilang US bombers sa 3 nuclear sites ng Iran na ibinabala ng Tehran na mayroong “irreparable consequences”.

Noong Sabado, sinimulan na ng Amerika ang evacuation flights sa mga American citizen at permanenting naninirahan sa Israel o West Bank.

Gayundin, inatasan na rin ng US ang kanilang staff at diplomatic missions sa Iraq at Lebanon na lisanin ang nasabing mga bansa bago pa man isagawa nito ang pagbomba sa nuclear facilities ng Iran kahapon, June 22.