-- Advertisements --

Inanunsyo ng isang opisyal ng U.S. State Department na muling magbubukas ang mga embahada ng Estados Unidos sa ibang bansa para sa mga aplikasyon ng student at exchange visitor visas, ngunit may kahilingan ang bansa na kailangan gawing ”public” ng mga estudyanteng aplikante ang kanilang mga social media profiles para sa masusing beripikasyon.

Maalalang, ipinasara pansamantala ang visa scheduling noong Mayo 27, alinsunod sa utos ng administrasyon ni Trump habang isinasaayos ang bagong patakaran sa social media vetting.

Ayon sa opisyal, lahat ng aplikante para sa F, M, at J nonimmigrant visas ay kailangang ibigay ang kanilang social media accounts bilang bahagi ng mas pinaigting na background check ng mga consular officers.

Layon umano ng bagong patakaran na masiguro ang kaligtasan at seguridad ng bansa sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagsusuri sa mga dayuhang papasok sa Estados Unidos.

Gayunman, umani ito ng batikos mula sa mga kritiko na nagsabing nilalabag nito ang kalayaan sa pagpapahayag, partikular para sa mga aplikanteng nagpapahayag ng suporta sa mga Palestino o bumabatikos sa aksyon ng Israel sa Gaza.

Tinawag ito ng ilan bilang pag-atake sa First Amendment ng Konstitusyon ng Amerika.