-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babes” Romualdez na binawi ng Estados Unidos ang diplomatic at tourist visas ni Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa isang panayam, sinabi ng ambassador na isinagawa ang visa revocation habang nahaharap si Romualdez sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y mga anomalya sa mga flood control project.

Nauna nang naglabas ang Sandiganbayan ng precautionary Hold Departure Order (HDO) laban kay Romualdez kaugnay ng mga reklamong kinabibilangan ng umano’y plunder, direct bribery, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, indirect bribery, at money laundering.

Gayunpaman, mariing itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon laban sa kanya.

Ayon sa dating House Speaker, ang mga paratang ay nakabatay lamang sa politika at hindi sa matibay na ebidensya.

Patuloy naman nakikipag-ugnayan ang Bombo Radyo para sa reaksyon ng kongresista.