Muling pinagtibay ng Estados Unidos ang suporta nito sa Pilipinas na itaguyod ang kanilang mga karapatan sa soberanya at ipagtanggol ang teritoryo nito.
Ginawa ng US Embassy in the Philippines Political Counselor Brett Blackshaw ang naturang pahayag sa idinaos na forum na “Modernizing Philippine Defense Capabilities and Elevating Security Partnerships” na inorganisa ng Stratbase ADR Institute sa Makati City.
Tinawag din niyang “equal sovereign partner” ang Pilipinas habang binigyang diin ang muling pagsigla ng bilateral relations ng dalawang bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Kasalukuyang nasa US si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa limang araw na official visit.
Sinabi ng US Embassy in the Philippines official na si Pang. Marcos ay magiging host sa Pentagon ngayong araw ng Miyerkules, kung saan inaasahang maglalabas ang US at Pilipinas ng kauna-unahang bilateral defense guidelines sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa US official ang mga ito ay isang mahalagang paraan upang maipahayag ng mga kaalyado kung bakit mayroon alyansa sa ngayon at sa hinaharap.
Ang opisyal na pagbisita ni Pang. Marcos sa Washington ay ilang araw lamang matapos ang muntik na banggaan sa pagitan ng barko ng Chinese Coast Guard sa isang patrol vessel ng Pilipinas na lulan ang mga mamamahayag sa may Ayungin Shoal.
Ang BRP Malapascua at BRP Malabrigo ng PCG ay nag-broadcast ng kanilang intensyon na tumulak sa Ayungin Shoal upang magsagawa ng isang survey sa lugar.
Ngunit ang Chinese Coast Guard ay tumugon na ang mga barko ng Pilipinas ay iligal umano na naglalayag sa teritoryong karagatan ng China at sinabihan silang umalis sa lugar.
Kasunod ng naturang insidente sa West Philippine Sea, nagkaisang nanawagan ang United Kingdom, Australia, Canada at Japan para sa paggalang sa international law at umapela para sa kapayapaan at istabilidad sa rehiyon at paggalang sa United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).