-- Advertisements --

Hinimok ng Estados Unidos ang China na sundin ang international law at tigilan na ang palagiang panghaharas sa mga maritime assets ng iba’t-ibang mga bansa na nagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Ginawa ng US ang nasabing apela, kasabay ng paggunita ngayong araw sa ika-pitong taong anibersaryo ng pagkakapanalo ng Pilipinas sa inihain nitong apela sa West Philippine Sea kontra sa China.

Ayon kay Matthew Miller, ang tagapagsalita ng US State Department, mananatiling paninindigan ng Estados Unidos ang nauna nitong statement na kumikilala sa mga aksyon ng China sa malaking bahagi ng West Philippine Sea bilang ‘unlawful’.

Patuloy aniyang hinihikayat ng US ang China na sundin ang itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Seas, at itigil na ang panghaharass sa kabuuan ng West Philippine Sea.

Hinikayat din ng US official ang Chinese Government na itigil na nito ang pag-harang sa mga bansa na may sariling claims sa kanilang sariling exclusive economic zones, katulad ng Pilipinas.

May karapatan aniya ang mga nasabing bansa na galugarin ang kanilang sariling economic zone, nang hindi pinapakialaman ng ibang bansa.

Maalalang isa ang Estados Unidos sa mga sumusuporta sa 2016 Ruling ng Permanent Court of Arbitration, matapos itong lumabas noong 2016.

Una na ring naghayag ng commitment ang US na ipagpapatuloy nito ang pakikipagtulungan at kooperasyon sa iba pang mga claimants, upang matiyak ang maayos at mapayapang indo-pacific region.