-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tiniyak ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) na hindi nagpa-panic sa ngayon ang mga Pilipino na nasa Iraq sa kabila ng isyu sa seguridad sa Middle East.

Ito ay kasunod ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran dahil sa pagkamatay ng isang high-ranking military official ng Iran sa air strike na isinagawa ng Amerika sa Iraq nitong nakaraan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac, sinabi nito na wala pang Pinoy sa Iraq na tumatawag sa kanila at nagpapahiwatig na nais na ng mga ito na bumalik sa Pilipinas.

Mayroon din namang mga nagtatanong kung paano sila makakauwi.

Aabot aniya sa 6,000 Pinoy ang nasa Iraq partikular na sa hilagang bahagi ng nasabing bansa.

Kaugnay nito, tiniyak ni Cacdac na nakahanda ang OWWA para sa posibleng mass repatriation kung sakali mang lumala pa ang tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika at madamay ang ilan pang mga bansa sa Middle East.

Aniya, aalamin ng ahensya ang lokasyon ng mga Pilipino sa Iraq at kung ano ang mga kailangang gawin upang mapagsama-sama ang mga ito at madala sa mga tutukuying escape points.