Gumanti ang Estados Unidos ng mga airstrike laban sa Iran matapos akusahan ni U.S. President Donald Trump ang bansa sa pag-atake sa isang US helicopter sa Strait of Hormuz, na nagbunsod ng agarang military response.
Ayon sa U.S. military, nagsimula ang operasyon bandang 5:00 p.m. Eastern Standard Time, bilang tugon umano sa pagbagsak ng Apache helicopter.
Giit ng Amerika, “proportional response” ang isinagawang strike laban sa tinawag nilang “unjustified Iranian aggression.”
Napag-alaman na nailigtas ang dalawang piloto ng helicopter sa pamamagitan ng isang unmanned sea drone at kalaunan ay inilipat sa ligtas na lokasyon.
Sinabi rin ni Trump na ligtas at walang naitamong sugat ang dalawang crew, ngunit iginiit niyang kailangan ng Estados Unidos na tumugon sa insidente.
Samantala, nananatiling hindi malinaw kung sinadya ba ang pag-atake sa helicopter, ayon sa ilang opisyal ng U.S.
Hindi rin direktang umako ng responsibilidad ang Iran, bagaman kinumpirma ng ilang Iranian media na may nangyaring pagbagsak ng eroplano.
Kasabay nito, umiigting din ang tensyon sa rehiyon matapos ang hiwalay na mga airstrike ng Israel sa southern Lebanon, na nagbunsod ng banta ng posibleng panibagong gantihan mula sa Iran.
Binalaan naman ng Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi ang mga militar ng Amerika sa rehiyon na naka deploy na maalaki ang tyansa ng panganib dahil sa posibleng aksidente o biglaang labanan.
Sa gitna ng tumitinding tensyon, sinabi ni Trump na umaasa siya sa isang posibleng kasunduan para sa ceasefire sa rehiyon, ngunit nananatiling wala pang direktang mga kasunduan na magpapahinto sa tensyon sa Strait of Hormuz.














