Daan-daang pinaniniwalaang mga supporters ng tinaguriang militia na suportado ng Iranian ang sumugod sa harapan ng US Embassy sa Baghdad at saka pinagbabato ang gusali.
Ang naturang kilos-protesta ay simbolo umano ng panibagong kaguluhan sa pagitan ng Washington at Tehran.
Bilang sagot pinagbabato rin ng mga otoridad ang mga raliyista, gayundin ng tear gas at gumamit din ang mga ito ng stun grenades upang paalisin sila sa palibot ng embahada.
Una nang nagbanta si US President Donald Trump na handa umano silang sumugod laban sa Iran ngunit bigla itong kumambyo na hindi raw niya nanaisin na humantong ito sa giyera.
Kahapon lamang nang sinubukang pasukin ng mga nagpoprotesta ang embahada ng Estados Unidos sa Baghdad kasunod ng ginawang airstrike ng Amerika laban sa Iran-backed militia group sa Iraq.
Daan-daang raliyista ang nag-martsa patungo sa isang lugar sa Iraq na mahigpit na pinagbabawalang puntahan. Kasama nila ang ilang miyembro ng Iraqi Popular Mobilization Units, isang samahan para sa Shiite militias.
Isinagawa ng US ang naturang airstrike noong Linggo kung saan 25 katao ang namatay at 51 ang sugatan.
Tinarget nito ang limang pasilidad na kino-kontrol ng Kataib Hezbollah sa Iraq at Syria.
Ang Kataib Hezbollah ay grupo naman ng mga militante sa ilalim ng Iran-backed Shiite Popular Mobilizationo Forces sa Iraq.