-- Advertisements --
wps4

Muling iginiit ng Estado Unidos ngayong araw ang suporta nito para sa Pilipinas laban sa paulit-ulit na harassment matapos na muling tangkain ng China Coast guard at maritime militia na harangin ang resupply mission ng PH sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal sa West PH Sea.

Kung saan iniulat ng National Task Force on the West PH Sea na muling binombahan ng tubig o water cannon ng Chinese vessels ang barko ng PH at nagsagawa ng mapanganib na maniobra.

Kaugnay nito, inihayag ng US Department of State na nananatili kaisa ang Estados Unidos sa kaalyado nitong Pilipinas sa pagharap ng paulit-ulit na harassment ng China sa pinagtatalunang karagatan.

Iginiit din ng Amerika ang aksyon ng China ay taliwas sa International Law at ipinunto ang 2016 arbitral ruling na nagpapawalang bisa sa pag-aangkin ng China.

Muling inihayag din ng state department na sakop ng 1951 Mutual Defense Treaty ang anumang armadong pag-atake sa military personnel at mga barko ng Pilipinas gayundin sa mga public vessel.

Kayat hinimok ng US ang People’s Republic of China na igalang ang kalayaan sa paglalayag na ipinagkaloob sa lahat ng estado sa ilalim ng international law.

Nagpahayag din ng pagkabahala sa insidente ang mga bansang kapartner ng Pilipinas gaya ng the United Kingdom, Canada, Australia at New Zealand.