CAUAYAN CITY – Naging mabunga ang pag-courtesy call ni U.S. Ambassador to the Philippines Marykay Carlson kay Governor Rodito Albano at mga opisyal ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Albano na matapos ang courtesy call ay binisita rin ni U.S. Ambassador to the Philippines Carlson ang 5th Infantry Division, Philippine Army sa Camp Melchor Dela Cruz sa Upi, Gamu, Isabela na isa sa tatlong EDCA sites sa Region 2.
Ayon kay Governor Albano, ipinaalam nito ang magiging aktibidad at maaring puntahan ng mga sundalong Amerikano upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Magagalang naman aniya ang mga sundalo at kanilang mga opisyal na nasa Camp Melchor Dela Cruz.
Ayon kay Governor Albano, inalam din ni Carlson ang sitwasyon ng City of Ilagan-Divilacan Road na kalahati pa lamang ang natapos.
Tinanong din nito ang mga JICA projects sa Isabela na maaari ring pondohan ng Amerika.
Sinabi naman ni Governor Albano na anumang tulong na maibibigay ng pamahalaan ng Estados Unidos sa Isabela ay kanilang tatanggapin ngunit kailangang malaman din nila kung ano ang magiging kapalit.