ROXAS CITY – Nakahanda na ang response units at ilang equipment na gagamitin ng bayan ng Capiz sa paglikas sa mga residente na inaasahang maaapektuhan ng bagyong Ursula.
Ito ang pahayag ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Capiz head Judy Grace Pelaez sa panayam ng Bombo Radyo.
Lumabas sa unang ulat ng weather bureau na nasa ilalim ng tropical cyclone signal number 2 ang lalawigan dahil sa naturang bagyo.
Ayon kay Pelaez, mahigpit ang kooperasyon ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno katulad ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Department of Social Welfare and Development Office, Philippine Red Cross, mga local government units (LGU’s) na nakahandang magresponde sa oras na kakailanganin.
Nananatili namang kanselado ang biyahe ng lahat ng klase ng sasakyang-pandagat at barko sa mga pantalan sa lungsod ng Roxas base sa abiso ng Philippine Coast Guard (PCG).