
Ipinapaubaya na ni House Speaker Martin Romualdez kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr ang desisyon kung sesertipikahan bilang urgent ang Maharlika Investment Fund.
Ayon kay Romualdez naisa-ayos na nila ang MIF upang tugunan ang mga agam-agam ng publiko hinggil sa ilan sa probisyon nito, lalo na patungkol sa pagsali ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) bilang funding source.
Nakasalang na ngayon sa ikalawang pag-basa ang MIF at batay aniya sa update ni House Majority Leader Mannix Dalipe, may 90 mambabatas na nag co-author sa panukala at posibleng umakyat pa sa 250.
Ikinatuwa naman ni Speaker na dumarami pang mambabatas ang sumusuporta sa panukalang Maharlika Investment Fund.
Nagpahayag naman ng kahandaan si Senator Mark Villar na maghain ng counterpart measure sa Senado.
Muli namang binigyang diin ni Romualdez na mahalagang tignan ang kabuuang layunin ng pagtatatag ng sovereign wealth fund.
Punto nito, imbes na natutulog lang ang pera at pondo ng pamahalaan at mga Governance Commission for GOCCs (GCG) ay maigi na mailagak ito sa sovereign wealth fund na inaasahang magbibigay ng mas malaking kita, na siyang magagamit pampondo ng iba’t ibang programa at proyekto ng pamahalaan.
Makakatulong din aniya ito na maka-akit ng iba pang mamumuhunan sa bansa.










