Malapit ng makumpleto ang second phase ng Wawa Bulk Water Supply Project o Upper Wawa Dam sa probinsiya ng Rizal.
Ang naturang proyekto ang pinakamalaking water supply infrastructure project sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon sa WawaJVCo. Inc., 93% ng kumpleto ang proyekto as of February 28.
Mayroong kapasidad ang dam na 70 million liters kada araw na magbibigay ng steady source ng raw water at mapapababa din nito ang pagdepende sa Angat-Iba system.
Sinabi din ng kompaniya na sa pamamagitan ng Upper Wawa dam maaaring mapawi ang pangamba sa mga hamon may kinalaman sa climate change gaya ng prolonged dry spell na inaasahang idudulot ng El Niño phenomenon.
Maiiwasan din aniya ang krisis sa tubig sa Metro Manila at karatig pang mga probinsiya.
Inaasahan na sa oras na maging operational na ito makakatulong ito na matugunan ang water security at matiyak ang walang patid na suplay ng tubig para serbisyuhan ang mahigit 700,000 households o 3.5 million Pilipino na nasa service area ng MWSS.
Nakatakda namang magsimula ang commercial operation ng dam sa huling bahagi ng 2025.