Nanawagan ang Office of Civil Defense sa Cordillera Administrative Region (OCD-CAR) para sa upgrade ng kanilang early warning at flood monitoring capabilities para makatulong at mabawasan ang epekto ng mga pagbaha sa hinaharap katulad ng nangyari sa Cagayan at Isabela bunsod ng bagyong Ulysses.
Sa pulong ng House Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle, iginiit ni Albert Mogol, director ng OCD-CAR, ang kahalagahan nang muling pagbisita sa flood monitoring facilities ng rehiyon na maaring makapagbigay ng mas maagang babala sa posibleng mga pagbaha.
Ang nangyari kasi aniya sa Cagayan at Isabela ay resulta ng “orographic effect.”
Paliwanag ni Mogol, ang orographic effect ay isang weather process kung saan ang moist air ay umaangat patungong mountain range, dahilan para mabuo ang mga ulap na siyang source naman ng ulan.
Kadalasan bumabagsak ang ulan sa gilid ng mountain range patungo naman sa dagat.
Ayon kay Mogol, dahil nagkaroon ng orographic effect ay nagkaroon ng precipitation at hindi nakakaalis ang tubig kaya sa eastern side ng Cagayan Valley bumagsak ang ulan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit ang Magat Dam ay napuno pati na rin ang mga ilog sa palibot nito.
Subalit kung mayroon lamang aniyang epektibong early warning system ay nabigyan ang mga residente ng Cagayan at Isabela na lumikas sa lalong madaling panahon.