LA UNION – Walang ibang hinahangad ngayon ng inulilang pamilya ni Ferdinand Gacayan sa Barangay Santiago Norte, SFC kung hindi ang mabilis na paghuli sa mga suispek a namaril at pumatay sa tatlong katao sa loob ng Shania Kenny Merchandise (SKM) na nakabase sa Queson Avenue, Brgy Catbangen noong gabi ng Biyernes, Enero 24.

Si Gacayan ay nagsisilbing private guard sa naturang establisimento at isa sa mga namatay sa pamamaril, kasama ang babaeng may-ari na si Kareena Mirchandani, 40, residente ng Barangay Sevilla at ang Accountant na si Haide delos Reyes, 50, residente ng Brgy Panicsican, San Juan, La Union.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay Susan Gacayan, asawa ni Ferdinand, sinabi nito na malaking kawalan ang biglaang pagpanaw ng kanyang asawa.

Sinabi niya na bagamat nakakalungkot at masakit na tanggaping patay na ang asawa ay hinihiling nila sa mga otoridad na mahuli na sa lalong madaling panahon ang mga gunmen.

Nakilala na rin ng pulisiya ang mga salarin na sina Ricardo Siador Jr. ng Barangay Moreno at Romulo Acosta Jr. ng Barangay Capas, Binalonan, Pangasinan.

Nanatiling at-large ang mga suspek at patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.

Hindi pa maliwanag ang motibo sa krimen.

Nakatakda namang ilibing si Gacayan sa Pebrero 12, 2020.