Tiniyak ng Philippine General Hospital (UP-PGH) na hindi mapipilayan ang iba nilang serbisyo kapag nagsimula na silang mag-operate bilang referral hospital sa mga kaso ng COVID-19.

Ayon kay UP-PGH director Dr. Gerardo Legaspi, mananatiling bukas ang kanilang Cancer Institute, gayundin ang kanilang radiotherapy services.

Karamihan daw kasi sa pondo ng cancer treatment ng mga pasyente ay hawak ng kanilang ospital.

Maging ang emergency room services daw ng pagamutan ay magpapatuloy pa rin sa pagtanggap ng kahit anong pasyente.

“We will treat cancers as an urgent case. Hindi sya elective so itutuloy ang serbisyo dito. The Cancer Institute is still open, we will continue our radiotherapy.”

“Yung ibang serbisyo, tulad ng emergency room management ay tuloy pa rin dahil nga may iba namang pangangailangan na hindi mahi-hindian dahil of the ugency of it.”

“Wala na sigurong emergency room for COVID-19 dahil magkaka-agreement na ang mga ililipat lang ay (COVID-19) positive in an ideal setting kapag natuloy na ang ating testing.”

Sa kasalukuyan, may 400 pasyente ang naka-confine sa UP-PGH.

Medyo bumaba na raw ang bilang ng mga pumupunta sa ospital dahil sa ipinapatupad ng enhanced community quarantine.

Nitong Lunes nang pormal na tanggapin ng University of the Philippines at PGH ang request ng Department of Health na maging COVID-19 referral hospital.

Humingi ng ilang araw na palugit ang pagamutan, para sa preparasyon, pero sa ngayon may 130 beds ng inilaan ang PGH sa mga ia-admit na pasyente.

Paliwanag naman ni Dr. Legaspi, inisyal silang tatanggap ng mga patients under investigation (PUI) na may mild symptoms, pati na yung mga moderate to critical PUI case.

Pero kapag naging available na raw ang COVID-19 testing ay lilimatahan na lang nila sa mga positive patients ang pag-aadmit.

Ang mga mild PUI case naman ay ililipat sa kanilang local health units.

Una ng sinabi ng Department of Health na may 40 beds na inilaan ang Lung Center of the Philippines sa isang wing ng kanilang ospital para sa COVID-19 patients.

Naghahanda na rin ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital bilang isa rin sa designated COVID-19 referral hospital.