Idineklara at iprinoklama ng Nagkaisang Tugon, isang grupo ng dating student leaders sa University of the Philippines (UP) na itinatag 40 taon na ang nakalipas noong 1981, si Vice President Leni Robredo na pambato nila bilang pangulo sa 2022.
“Ang Nagkaisang Tugon ay samahan ng mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na itinayo noong 1981 upang makilahok sa mga pagkilos ng mga mag-aaral tungo sa pagtaguyod ng Makatao, Makabayan at Maka-Diyos na lipunan. Apat na dekada na ang nakaraan at patuloy na umaasa at nagsisikap na ito’y makamtan,” ayon sa grupo.
Sa isang pahayag, binigyang diin ng Nagkaisang Tugon ang paniwala nilang si Robredo ang tamang tao para pangunahan ang bansa dahil taglay niya ang katangian ng isang magaling na lider na kailangan ng Pilipinas.
“Kami ay naniniwala at nagpapahayag na si Leni Robredo ang tawag ng panahon para mamuno ng bayan,” dagdag ng grupo.
Sinabi ni JJ Soriano, lead convenor at co-founder ng Nagkaisang Tugon at former Vice Chairman ng UP Student Council 1985-1986, na aktibong sinuportahan ni Robredo ang grupo nang kumukuha siya ng kursong Economics sa UP mula 1982 hanggang 1986.
“Kaya’t nakita na natin na ang ikabububuti at ikauunlad ng ating bayan ang kanyang hangarin sa Makatao, Makabayan at Maka-Diyos na paraan,” ani Soriano.
Bago rito, nagpahayag din ng suporta ang Samasa Alumni Association, Inc., na dating katunggaling grupo ng Nagkaisang Tugon, sa hangaring maglagay ng epektibo at maayos na pamahalaan na pinanungunahan ni Robredo.
Itinatag ang Samasa 40 taon din ang nakalipas para labanan ang diktaduryang Marcos at tapusin ang rehimen na naging dahilan ng malawakang kahirapan at dusa ng mga Pilipino.