MANILA – Posibleng maglabas ng uniformed guidelines ang pamahalaan sa pagtuturok ng COVID-19 vaccines na gawa sa technology platform na “adenoviral vector.”
Ito ang inamin ng Food and Drug Administration (FDA) matapos makapagtala ng kakaibang side effect sa ilang adenoviral vector vaccines tulad ng sa AstraZeneca at Janssen Pharmaceuticals.
“Possible ‘yan, they will probably be very similar,” ani FDA director general Eric Domingo.
Kamakailan nang i-ulat sa Europe at Amerika ang pamumuo ng dugo nang ilang naturukan ng AstraZeneca at Janssen vaccines.
Bukod sa dalawang brand ng coronavirus vaccines, gawa rin sa teknolohiya ng adenoviral vector ang bakunang Sputnik V ng Gamaleya Research Institute mula Russia.
Gayunpaman nilinaw ni Domingo na may pagkakaiba pa rin sa magiging guidelines ng mga bakuna kahit pa dinevelop sila sa magkakaparehong tekonolohiya.
“Magkakaroon ng similarities kaya lang hindi exactly pare-pareho. Kasi yung AstraZeneca ang second dose is given 12-weeks after, yung Janssen its a single dose.”
“Yung Sputnik V naman, iba yung component one for the first vaccine at iba yung component two sa second vaccine.”
Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (US CDC), gumagamit ng vector o “modified version” ng ibang virus ang teknolohiya ng adenoviral vector vaccines.
“The vector will enter a cell in our body and then use the cell’s machinery to produce a harmless piece of the virus that causes COVID-19. This piece is known as a spike protein and it is only found on the surface of the virus that causes COVID-19.”
“The cell displays the spike protein on its surface, and our immune system recognizes it doesn’t belong there. This triggers our immune system to begin producing antibodies and activating other immune cells to fight off what it thinks is an infection.”
Ang Department of Health ang inaatasang bumuo ng panuntunan sa pagbabakuna.
Kasalukuyang binabalangkas ng ahensya ang bagong guidelines sa vaccination ng AstraZeneca, matapos suspendihin ang pagro-rolyo nito kamakailan.
“Tiningnan ng mga experts natin ito at nakita nila na talagang definitely the benefit of using the vaccine outweighs the risk at marami pang nagkaka-COVID ngayon kaya sinabi namin sa DOH na pwede na nilang gamitin uli, gawa lang uli sa guidelines.”
Bago matapos ang Abril o sa unang linggo ng Mayo raw inaasahang dadating ang bagong batch ng British-Swedish vaccines mula sa COVAX Facility.
Tiniyak ni Domingo na bago dumating ang naturang shipment ay mailalabas na ang bagong guidelines para sa AstraZeneca vaccines.