-- Advertisements --

Hinimok ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang national government na magkaroon ng unified database ng mga nabakunahan nang indibidwal upang sa gayon ay mas mapadali ang verification ng mga local government units.

Ayon ito kay ULAP national president at Quirino Governor Dakila Carlo Cua matapos na mapag-usapan kamakailan ang posibilidad na magamit ang mga vaccination cards ng mga fully vaccinated nang indibidwal para sa interzonal travel.

Sinabi ni Cua na pagdating sa land transportation, hindi lahat ng mga QR codes ng mga biyahe ay maaring ma-validate on site dahil hindi naman lahat ng mga checkpoints ay mayroong access sa WiFi.

Bukod dito, wala rin aniyang safety features sakali mang card lang talaga na papel ang pagbabasehan para sa validation.

Sa kanilang pulong kahapon kasama ang mga opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng Department of Health (DOH), iminungkahi rin Cua ang isang sistema kung saan maaring i-verify ang positive o negative COVID-19 test result ng isang indibidwal.

Isa sa mga posibilidad na maaring tingnan aniya ay ang paggamit ng national ID number ng isang indibidwal na idadaan sa verification system.

Isa pa, maari rin aniyang magkaroon na lang din ng unified vaccination card dahil sa kasalukuyan ay magkakaiba ang disenyo at layouts na ginagamit ng iba’t ibang local government units.