Nakumpleto na ang underwater operations ng remote operated vehicles (ROVs) na ginamit upang mabawasan ang pagtagas ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ito ay matapos na matagumpay na mailagay ng ROV Hakuyo ang specialized bag na ginamit para macontain ang oil spill mula sa walo sa natitirang pinagmumulan ng langis sa isinagawang ilang serye ng underwater operation.
Naunang umalis sa bayan ng Calapan noong Abril 5 ang ROV Hakuyi na dineploy ng Japanese Dynamic Positioning Vessel (DPV) na Shin Nichi Maru habang ang ROV MR2 Hydros na idineploy naman ng DPV Pacific Valkyrie ay umalis sa operations area noong Abril 7, 2023.
Ang ROV MR2 Hydros ay tumulong sa bagging operations ng Japanese ROV sa pamamagitan ng pagsasagawa ng underwater survey, pagputol ng mga obstructive railings, at paglalagay ng magnetic number markings sa mga apektadong tangke.
Iniulat din ng PCG na may isang natitirang valve na nagpo-produce ng mabagal na pagtagas ng langis sa 2nd Pressure Valve Portside ang hindi pa natakpan dahil sa mga nakaharang na maaaring makakompormiso sa mga operasyon ng ROV.
Sinabi ni PCG Oriental Mindoro Incident Management Team Commander Coast Guard Commodore Geronimo Tuvilla na ipagpapatuloy nila ang kanilang pagsisikap katuwang ang mga partner agencies na paigtingin ang offshore at shoreline clean-up at assessment para mabawasan ang epekto sa kapaligiran hanggang sa permanenteng matugunan ang pinagmulan ng tumagas na langis.