Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang unang kaso ng monkeypox sa Hong kong ay hindi naman isang Pinoy.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang 30-anyos na lalaki ay unang dumaan sa Canada, Amerika bago napunta sa Pilipinas, hanggang sa umuwi ng Hong Kong.
Pero ito naman aniya ay hindi isang Pilipino.
Napaulat kamakailan na ang pasahero ay sumakay sa Philippine Airlines (PAL) flight PR300 noong September 5.
Natukoy na rin daw ang mga close contacts sa naturang flight.
Gayunman lahat naman daw ng mga ito ay asymptomatic.
Samantala ang pangatlong kaso naman ng monkeypox ay sumasailalim pa rin daw sa home isolation sa kabila na lagpas na ito sa ika-21 araw na isolation.
Ang 29-anyos na Pilipino, na may travel history sa mga bansa na may monkeypox cases ay hindi pa rin daw nadedeklara na nakarekober na.
Sa 17 close contacts na nakilala, ang 13 ay nagtapos na sa self-monitoring period habang ang apat ay natapos na rin sa kanilang quarantine at ang lahat naman ng mga ito ay asymptomatic.
Sa kabilang dako ang ikaapat na kaso na 25-anyos na Pilipino ay wala namang travel history sa mga bansa na may confirmed monkeypox cases.
Ito ay nananatili pa rin sa isolation habang inaantay pa na gumaling.