-- Advertisements --
COMELEC GARCIA 2

Naging mapayapa ang unang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa buong bansa ayon kay Commission on Elections chairman George Erwin Garcia.

Base sa report mula sa field lalo na sa Mindanao, napakaayos din ang naging unang araw ng filing ng COCs.

Inamin naman ng poll body official na hindi nila inaasahan ang malaking bilang ng naghain ng COC sa unang araw pa lamang ngunit sa kabila nito kumpleto naman ang forms at mga dokumentong kailangan at organized din ang mga tao.

Inaasahan naman ng Comelec na aabot pa sa 2 million ang maghahain ng COC upang mapunan ang nasa 624,000 posisyon para sa BSKE ngayong taon.

Inaasahan din ng poll body na magiging intense ang halalan sa darating na Oktubre dahil matagal na nakaupo sa pwesto ang mga paalis na opisyal ng barangay at SK dahil makailang ulit na ring naipagpaliban ang lokal na halalan.

Samantala, nagbabala naman ang Comelec chair sa mga magprepresenta ng pekeng dokumento sa kanilang paghahain ng COC.

Ito ay matapos na madiskubreng nagsumite ng pekeng birth certificate ang isang kandidato sa Maynila sa unang araw ng COC filing kahit na overaged o lagpas na ang edad nito para sa posisyon na kaniyang tatakbuhan.

Kayat kinumpiska ang mga pekeng dokumento nito at maghahain ng kaukulang kaso laban sa naturang indibidwal.

Nagsasagawa din ng counter-checking ang Comelec sa mga isinusumiteng dokumento ng mga kakandidato at ang kanila pa ring pagbabasehan ay ang voters registration record.

Nagpaalala naman si Garcia na hindi tatanggapin ng poll body ang hindi kumpletong COC at overaged na kakandidato at hindi rehistradong botante.