-- Advertisements --

Muling umapela si United Nations Secretary-General Antonio Guterres para sa pagpapatigil na ng giyera at karahasan sa Ukraine kasabay ng ika-100 araw mula ng simulang salakayin ng Russia ang rehiyon.

Sa kanyang statement, nakiusap si Guterres na dapat bigyang daan ang humanitarian access sa mga nangangailangan ng tulong, kasama na ang maayos na evacuation sa mga na-trap na mga sibilyan at igalang ang karapatang pantao.

Sinasabing sa nakalipas na mahigit apat na buwan ay libu-libong katao na ang nasawi at milyun milyon naman ang nagsilikas.

Ang naturang giyera ayon pa sa lider ng UN ay nagdulot na rin ng global crisis lalo na sa larangan ng pagkain, enerhiya at kawalan ng pagkakakitaan ng mga apektadong bansa at ekonomiya.

Kasabay nito, tiniyak din naman ni Guterres na handa ang United Nations sa programa nito lalo na kung magsisilbing tulay para sa negosasyon at dayalogo.

Sa isang pahayag naman mula sa Russia, ipinagmalaki ng mga ito na may nakamit ng resulta sa kanilang “special military operation.”

Gayunman magpapatuloy daw ito hanggang sa maabot ang lahat ang kanilang adhikain.

Samantala naniniwala naman ang UK Ministry of Defence na malapit ng makukubkub ng tuluyan ng Russia ang buong Luhansk region sa Eastern Ukraine at posibleng makontrol na sa loob ng dalawang lingo, ito ay matapos na mabigo ang Russian forces na maagaw ang siyudad ng Kyiv.