Nangangamba ang United Nations Population Fund o UNFPA Philippines dahil sa tumataas na bilang ng teenage pregnancies sa bansa. Ayon sa ulat ng Commission on Population and Development, may pag-angat sa bilang ng mga nabubuntis sa edad 10 hanggang 14.
Sa huling ulat, ibinunyag ng Philippine Statistics Authority na nagkaroon ng 35.13% na pagtaas sa bilang ng mga nabuntis edad 15 pababa. Noong 2021 kasi ay nakapagtala ng 2,320 teenage pregnancies habang noong 2022 naman ay lumobo ito sa 3,135.
Ayon sa United Nations, ang pagtaas na ito ay patunay na hindi umano nakatatanggap ang mga kabataan ng kanilang karapatan sa sexual and reproductive health.
Binigyang-diin din nito na ang pagbubuntis sa maagang edad ay makaaapekto sa kalusugan at edukasyon ng mga kabataan.
Dahil dito, hinihimok ng UNFPA ang patuloy na pag-aaral at pagtulak sa batas na magiging solusyon sa lumolobong bilang ng teenage pregnancies.
Inihayag din ni Commission on Population Development Director Lisa Grace Bersales ang suporta nito sa House Bill No. 8910 o Adolescent Pregnancy Prevention Act. Aniya, ito ay maktutulong upang unti-unting mapababa ang bilang ng mga nabubuntis na kabataan.
Pinaalalahana din nito ang mga pamilya na sa tahanan nagsisimula ang pangagaral patungkol sa isyu ng teenage pregnancies.