-- Advertisements --
image 90

Aminado ang United Nations(UN) na nahihirapan itong maabot ang hanggang 18 million katao na naapektuhan sa malawakang giyera sa Sudan.

Pinangangambahan kasi ng UN na ang mga naturang indibidwal ay napabayaan, walang sapat na pagkain, matutulugan, at naiipit sa patuloy pa ring kaguluhan sa Sudan.

Ayon kay Clementine Nkweta-Salami, Deputy Special Representative ng UN Secretary-General at Humanitarian Coordinator sa Sudan, kulang ang hawak nitong resources upang makapaglunsad ng malawang pagtulong sa mga biktima ng giyera.

Kailangan aniya ng tulong ng international community upang matiyak na ang mga biktima ay maabutan ng tulong at mabigyan ng sapat na intervention.

Matapos kasing sumiklab ang giyera sa pagitan ng tropa ng Sudan at ang paramilitary na Rapid Support Forces (RSF), umabot na sa 4.2 million katao ang lumayas sa kanilang kabahayan dahil sa pagkakaipit sa giyera habang 1.2 million naman ang naitalang lumipat na sa ibang bansa sa pamamagitan ng iligal na migration.

Nauna nang tinukoy ng UN ang hanggang $2.6billion na halaga ng tulong na kailangan upang mabigyan ng intervention ang mga biktima sa naturang bansa ngunit ayon kay Salami, 1/3 pa lamang nito ang napopondohan mula sa mga tulong na ibinigay ng ibat ibang mga bansa.

Nagiging pahirapan din aniya ang pagpasok ng mag tulong sa naturang bansa, dahil na rin sa mahigpit na monitoring ng burokrasya ng Sudan

Maraming beses din aniya na kailangang dumaan sa mandatory military inspection ang mga humanitarian trucks ng UN na nagiging dahilan ng pagkaka-delay ng mga ibinibigay na tulong.

Maliban sa libo-libong indibidwal na napaulat na namatay dahil sa giyera sa Sudan, naitala rin ng UN ang 19 sa mga aid workers nito na namatay habang 29 ang sugatan, sa kabuuan ng pagtulong sa buong bansa.