-- Advertisements --
ofw partylist rep magsino

Pinapaimbestigahan ni OFW party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang umanoy pang-aabuso sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Namibia bilang mga mangingisda.

Maalalang sa pagtutulungan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ay napauwi ang anim na OFW na nagtrabaho sa Namibia bilang mga mangingisda.

Paliwanag ni Cong Magsino, pinangakuan ang mga mangingisda ng $310 kada buwan na sahod. $150 dito ay ipapadala sana nila sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Gayunpaman, hindi umano nila natatanggap ang naipangakong sahod habang sinabi umano ng kanilang agency na saka na lamang nila matatanggap ito kapag nakumpleto na nila ang kanilang kontrata.

Maliban dito, isang taon lamang sana umano ang kanilang pinirmahang kontrata ngunit inabot na sila ng dalawang taon doon.

Ang nasabing reklamo, ani Magsino, ay hindi ang unang pagkakataon na naitala, kayat mainam aniyang agad itong imbestigahan upang makagawa ng kaukulang hakbang at mapigilan na mangyari pa ito sa iba pang mga mga mangingisda sa nasabing bansa.

Sa kasalukuyan, nakapagpalikas na ang pamahalaan ng 41 fisherfolk mula sa Namibia na dumanas din ng kahalintulad na pang-aabuso.

Ayon sa kongresista, ito ay halos katumbas na ng trafficking, kung saan maging ang mga recruitment agencies ay halos wala ring pakialam sa kasalukuyang kalagayan ng kanilang mga kapwa Pilipino.