-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Department of Health (DOH)-Bicol na libre ang lahat ng public health services ng pamahalaan kasama na ang pagbabakuna laban sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

Kasunod ito ng natanggap na reklamo ng tanggapan mula sa isang indibidwal na may isang local vaccination center ang nagpapabayad umano ng nasa P50 sa kada magpapaturok ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay DOH-Bicol Program Coordinator for COVID-19 vaccine Dr. Rita Mae Ang-Bon, walang bayad ang mga bakuna na binili ng pamahalaan maging ang donasyon mula sa COVAX facility.

Mahigpit aniya na ipinagbabawal ng opisina ang pagtanggap ng bayad at donasyon boluntaryo man o hindi para sa pagbabakuna.

Maaari kasing maging dahilan pa ito sa pag-aalangan ng publiko sa pag-access ng mga serbisyo ng pamahalaan partikular na ang COVID-19 vaccination.

Gayunman, sa mga pribadong sektor na bumili ng sariling bakuna ay maaari silang humingi ng minimal service fees.

Nilinaw naman ni Dr. Bon na hindi mga vaccinator ang sangkot sa usapin kundi mga barangay health workers.

Sa ngayon, pinapaimbestigahan na ng tanggapan ang paratang at mapapanagot ang mga sangkot oras na mapatunayan.