Arestado ang isang umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Quiapo, Maynila ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kinilala ng NCRPO ang suspek na si Muktar Yusop Maani.
Inaresto ito sa isang apartment building sa kahabaan ng De Guzman St. Barangay 393 Quiapo, Manila.
Pinahintulutan ng korte ang pagdakip sa suspek dahil sa nagawa nitong krimen na kidnapping for ransom at serious illegal detention.
Ayon sa NCRPO, sangkot si Maani sa pagkidnap sa mga Saksi ni Jehova sa Patikul, Sulu noong Agosto 20, 2002.
Sinabi rin ng NCRPO na ang suspek ay aktibong miyembro ng Abu Sayyaf na nag-ooperate sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Metro Manila.
Dinala si Maani sa Anti-Terrorism Task Group (ATTG) Regional Intelligence Division (RID) para sa tamang disposisyon, dokumentasyon, at pansamantalang detensyon sa custodial facility.