Sinagot ni ABS-CBN president and chief executive officer Carlo Katigbak nitong araw ang mga alegasyon na ibinabato sa kanilang kompanya.

Sa joint hearing of the House committee on legislative franchises and the committee on good government and public accountability nitong araw, inisa-isa ni Katigbak ang mga issue na ibinabato sa kanila ng mga tutol sa kanilang 25-year franchise application.

“May nagsabi po kanina that ABS-CBN deceived many when we said we are ‘in the service of the Filipino.’ I believe there are many voices who will speak out and assert that our service to them has been genuine and real. Sana ang taong-bayan na lang po ang magsasabi kung ang serbisyo namin ay naging tunay at makahulugan sa kanila,” ani Katibgak.

Unang sinagot ni katigbak ang sinasabi ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na hindi dapat bigyan ang network ng prangkisa dahil mahigit 50 taon na itong gumagamit ng airwaves.

Ayon kasi kay Marcoleta, base sa Section 11 ng Article XII ng 1987 Constitution: “No franchise, certificate, or any other form of authorization for the operation of a public utility shall be granted… for a longer period than fifty years.”

Pero ayon kay Katigbak, ang tinutukoy ng probisyon na ito ay ang 50-year cap na ibinibigay sa bawat franchise application.

“Ang sinasabi sa Saligang Batas ay ang isang prangkisa ay hindi maaring tumagal ng lampas 50 years. Pero hindi po nito sinasabi na pag-abot mo ng fifty years ng serbisyo, hindi ka na pwedeng magpatuloy ng serbisyo… Ang sinasabi lang po ay kapag nag-expire ang iyong prangkisa, kailangan kumuha ulit ng panibagong prangkisa. At ang ibibigay na bagong prangkisa ay hindi pwedeng lumampas ng fifty years,” paliwanag ni Katigbak.

Pagdating naman sa umano’y pagiging American citizen ni ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III, sinabi ni Katigbak na ayon sa 1935 Constitution kung ang tatay ng isang tao ay isang Pilipino ay maituturing na rin ito kaagad bilang isang Pilipino.

Ayon kasi kay Marcoleta, American citizen si Lopez nang maupo bilang big boss ng ABS-CBN noong 1996.

“Si Mr. Lopez po ay ipinanganak noong 1952 kaya sakop po siya ng 1935 Constitution.  Ang tatay at nanay niya ay parehong Pilipino.  Kaya from birth, automatic na siya ay isang Pilipino din,” ani Katigbak.