Isinusulong ni House Deputy Minority Leader France Castro na imbestigahan ng House Legislative Franchises committee ang umano’y koneksiyon sa pagitan ng Sonshine Media Network International’s (SMNI) at CGTN na pinapatakbo ng central propaganda department ng Chinese Communist Party.
Matatandaan na una ng inanunsiyo ng SMNI ang partnership nito sa naturang channel noong Hulyo 18 ng kasalukuyang taon.
Liban pa dito, binigyang diin din ni Rep. Castro at ng kaniyang mga kasamahan sa Makabayan bloc ang pangangailangan na imbestigahan ang kasunduan ng SMNI sa militar at sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
Ang naturang task force ay inaasahang makakakuha ng pondong P10.264 billion sa 2024 na binatikos noong nakalipas na buwan ni UN Special Rapporteur Ian Fry dahil sa pag-operate umano ng labas sa orihinal na mandato nito at pag-red tag sa mga indibidwal mula sa komunidad.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa gitna na rin ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa network at sa umano’y franchise violations nito.
Nag-ugat ito sa false claims mula sa network host na si Jeffrey Celiz kaugnay sa ginastos umano ni House Speaker Martin Romuladez na P1.8 billion para sa kaniyang biyahe sa labas ng bansa subalit lumalabas na nasa kabuuang P39.60 million lamang ito.